Thursday, June 5, 2008

Isang taong pag-aarangkada.

Sa wakas, natapos din ang medical exam ko. Matapos ang tatlong turok ng heringilya, isang basong dugo, x-ray, pagbuburles sa harap ng duktor at kung anu-ano pang lab tests - sa wakas - ang hukom ng duktor, in excellent physical condition daw ako. Pakiramdam ko ang linis-linis ng katawan ko. An sarap maging malusog at walang sakit!

Ang physical at medical examination ay isa lamang sa gabundok na tasks na kelangan kong magampanan at matapos bago ako lumipad papuntang US. Kanina, leave of absence (LOA) naman ang inasikaso ko sa school. Mahaba-habang lakaran din ang nangyari - galing econ, papuntang Vinzon's, papuntang main lib, pabalik econ, papuntang PNB, papuntang OUR, balik dorm... aba, nakaisang buong ikot na lakaran ata ako sa UP. Toki din, kung tutuusin.

Bukas, university clearance naman at update ng transcript ang lalakarin ko. Sa susunod na lingo, papabunot ko naman ang isang impacted tooth ko. Tapos turok na naman ng kung anu-anong pang vaccines.

Bago matapos ang buwan, VISA-related documents naman ang lalakarin ko. Hayy, long way to go pa. , bago ako lumipad papuntang US. Andami palang dapat gawin kapag-nag-a-abroad! Sa August 11 ako dapat nakalapag na sa New York. Kaya ko bang matapos lahat ng dapat tapusin?

Hindi naman ako nagrereklamo. Naisip ko nga, an dali na ng buhay ko. Ang VISA naming mga Fulbright scholars, halimbawa, hindi na dadaan sa karaniwang pila ng nag-aaply ng VISA sa US embassy. Huli kong dinig, dahil virtual na ang pila, parang tatlong buwan ang waiting time para ka makapag-pa-sched ng interview. Siempre hindi pa sigurado kung i-a-approve ang VISA application mo. Samantalang kami, areglado na lahat at aantayin na lang ang tawag mula sa embassy para sa interview, matapos namin makumpleto ang lahat ng dokumento.

Gayunpaman, ang mag-aral sa ibang bansa ay para talagang dumadaan sa butas ng karayom. Wala na sa usapan ang academic at professional qualifications ha? Given na 'yun - na dapat mula undergrad pa lang, pinagplanuhan na ang career track. Ang usapan na lang e ang pisikal, at aktwal na pakikipag-bunong braso sa lahat ng pagdaraanang burukrasya at legal na proseso at ang mahabang pila at paghihintay na magaganap sa gitna nito. Naalala ko, January 2007 ko pa sinimulan itong mahabang proseso ng pag-a-apply para mag-aral sa US.

Nagsimula ito sa pahirapang pag-apply ng transcript at diploma sa OUR. Tapos, sumunod naman ang paghingi ng recommendation sa mga propesor. Mahaba-habang ligawan din yun. At dahil plano ko talagang mag-apply sa Fulbright, kahit malayo pa ang deadline, kinakarir ko na ang pagsulat ng mga essays na kelangan. Siempre lahat ng 'to, gagawin lamang sa bakanteng oras, kapag down time sa acads.

May maikling panahon ng paghihintay ng resulta sa unang yugto ng screening sa Fulbright competition. Pahinga 'to. Pero mahirap ang maghintay ha? Lalo't inaasam-asam mong makapasok talaga kahit sa unang stage man lang. Deadline ng application samin March 30. Mga end of May ako tinawagan para sa interview. Late June ang naging schedule ko sa panel interview.

'Yun na! Ang panel interview. Ang pinaka-mabagsik na yugto ng competition. Do or die ito. Ang pinaka layunin ng panelists ay makumpirma at makita na ang taong kausap nila sa interview, at ang taong nagsulat ng essay sa application dossier, ay iisa. Ibig sabihin nito, kung nagpakitang gilas ka sa pagsusulat, aba, dapat lang na magpakitang gilas ka sa pagbebenta ng sarili mo sa harap ng panelists. (Naikwento ko na ang naging experience ko sa interview sa isang lumang article na ginawa ko.)

Tapos mahaba-habang hintayan na naman. Ang masaklap dito, matapos ang interview, sasabihin sa'yo October pa malalaman ang resulta. Ang totoo, kung pasok ka, August pa lang, alam mo na na pasok ka. Pag hindi ka pasok, September na e umaasa ka pa, samantalang may walong tao nang nagsasaya dahil sila ang napili. 'Yun nga ang nangyari, August, tinawagan ako, at yes!--pasok nga.

Sobrang saya! Sa ilang araw lang. Tapos trabaho na naman--una, ang passport, dahil wala pa ako neto. Tapos, ang TOEFL. Ah, eto, sa ating mga Pinoy, sisiw lang. Ang pamatay ay ang GRE. Lalo sa PhD Economics program ako nag-a-apply, hindi lang basta mataas na score ang kelangan - near-perfect score dapat! (At madami ang nakaka-perfect, kaya talagang seryosohang aral ang dapat gawin ng isang tulad ko na mahina ang math background.)

Matapos ang mga exams, yung application dossier na naman na ipapadala sa mga schools ang hahabulin ang deadline. Panibagong round na namang ng transcript application, recommendation letters, at kung anu-anong pang chechebureche. Pag dating ng December, sa halip na mag-enjoy, magsisimula ka nang mag-obsess kung kumpleto nga ba ang ni-submit mong forms at kung qualified ka nga ba talaga sa mga schools na pinili mong aplayan. Hangaaaaang sa Marso, kung kelan magsisimulang lumabas ang admission results, puro obsession lang talaga ang gagawin mo. Eto ang pinakamahirap na bahagi ng proseso - ang maghintay. Alam ito ng lahat ng mga nag-aaply sa PhD programs sa US.

Ayun, sakin nalaman ko na pasok ako sa University of Michigan at sa University of Washington, March 18 na. Hindi ko na nalaman pa ang resulta ng ibang schools dahil Michigan ang top choice ko, kaya pinili ko agad 'to at ni-pull-out na ng Fulbright ang application ko sa ibang schools. Masigabong palakpakan at magdamagang pagsasaya ang sumunod at madami pa, pero 'ika nga nila, the rest is history.

Napahaba yata ang kwento ko. Ang pinaka-punto ay, mahirap ang tuparin ang isang malaking pangarap. Nasabi ko na - parang dumadaan ka sa butas ng karayom. Pero butas man ng karayom nalulusutan din. Basta gugustuhin.

At gaya din ng nasabi ko na, madami pa akong dapat tapusin para on-time akong makarating sa US. Mahaba pa itong hawak kong checklist. Pero ganito talaga. May akmang quote dito na gusto kong ibahagi bilang pagtatapos sa over-extended ko nang kwento: Mula sa A League of Their Own, sinabi ni Tom Hanks kay Geena Davis--

It's supposed to be hard. If it wasn't hard everyone would do it. HARD is what makes it great.

0 opinyon:

Post a Comment